Mga LGU na naaprubahan ang Route Rationalization Plan, aabot pa lang sa 139

Aabot pa lang sa 8.8 percent ng mga Local Government Unit (LGU) ang naaprubahan ang kanilang Route Rationalization Plan.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senator Grace Poe, nasita ni Senator Joel Villanueva ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung bakit mula nang maipatupad ang PUV Modernization Program noong 2018 ay aabot lang sa 139 LGUs naaprubahan ang Local Public Transport Route Planning (LPTRP).

Ang LPTRP ay naglalaman ng detalyadong plano ng ruta at bilang ng mga units ng PUV na pangunahing requirement para mabigyan ng prangkisa at mabigyan ng subsidiya ang mga PUV.


Sa 1,575 LGUs, 985 na LGUs ang nakapagsumite na ng LPTRP, 198 ang under evaluation, at 648 pa ang under revision.

Nagtataka ang mga senador kung bakit sa tagal na ipinatupad ang PUV modernization at sa anim na beses na itong na-extend ay kakaunti pa lang ang naaaprubahang Route Rationalization Plan.

Paliwanag naman ni LTFRB Board Member Riza Marie Paches, naging hamon sa kanilang pagpoproseso ng mga LPTRP ang nagdaang eleksyon at pagpapalit ng mga tauhan sa ground.

Inamin din ng LTFRB na malaking hamon din sa kanila ang pagbabalik sa mga LGU ng mga ni-review na Route Rationalization Plan na para sa revision na hindi na muling naibibigay sa ahensya dahilan kaya hindi nakukumpleto at hindi naiisyuhan ang mga ito ng compliance certificate.

Iginiit ni Villanueva na pinipilit ng LTFRB na makasunod ang mga LGU sa hinihinging route plan pero dahil sa hindi maka-comply sa dami at mabusising requirements ng ahensya kaya ang mga tsuper, operators at mga commuters ang unang tinatamaan ng modernization plan.

Facebook Comments