Nagbabala si Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., na ang mga Local Government Units (LGUs) na hindi marunong maghawak ng supply ng COVID-19 vaccines na inilaan sa kanila ay paparusahan.
Ayon kay Galvez, obligado ang mga LGU na tiyakin na ang bawat dose ng COVID-19 vaccines ay magagamit para mapakinabangan ng publiko at hindi masasayang.
Binanggit ni Galvez ang kaso ng Muntinlupa City kung saan may hindi pa mabilang na Pfizer vaccines ang nasayang matapos makompromiso ang temperatura ng storage facility.
Ang mga bakuna aniya ay sensitibo at kung hindi nila kayang i-handle ito ay babawasan nila ang ibinibigay na supply.
Dapat tiyakin ng mga LGU na nasa maayos na kondisyon ang mga bakuna kapag naibigay na ito sa mga tao.
Muling iginiit ni Galvez na nananatiling limitado ang supply ng bakuna sa bansa.