Sa halip na ilagay ang buong bansa sa mahigpit na lockdown, pinapayagan ng pamahalaan ang mga Local Government Unit (LGU) na magpatupad ng granular lockdown sakaling tumaas ang kaso ng COVID-19 sa isang partikular na lugar.
Ito ang pahayag ng Malacañang matapos kumalat sa social media ang ulat na magpapatupad ng nationwide lockdown ngayong Kapaskuhan mula December 23 hanggang January 3.
Paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ang granular o localized lockdown ay polisiya ng pandemic task force ng gobyerno para mabalanse ang pagprotekta sa kalusugan ng publiko at muling pagbuhay sa ekonomiya.
Iginiit ni Roque na walang katotohanan ang nasabing ulat at mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nag-anunsyo ng quarantine classification status para sa buwan ng Disyembre.
Naiintindihan naman ng Palasyo ang pangamba ng ilan hinggil sa potensyal na pagtaas ng kaso dahil sa pagdami ng mga taong lalabas sa kanilang mga bahay at tutungo sa mga mall at pamilihan.
Muling sinabi ni Roque na kailangang mamuhay ng lahat kasama ang virus sa pamamagitan ng pagsunod sa health protocols tulad ng physical distancing.
Nanawagan din ang Palasyo sa publiko na maging mapanuri sa mga impormasyon para maiwasan ang pagkalat ng fake news.