Panawagan ngayon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa mga lokal na pamahalaan na seryosohin ang pag-iinspeksiyon sa mga residential houses.
Ang panawagan ay ginawa ni PHIVOLCS Director Renato Solidum lalo na’t hindi maitatangging may mga bahay na nakatayo na nasa kategoryang non-engineered building na ang ibig sabihin ay hindi dumaan sa superbisyon ng mga eksperto sa pagtatayo ng bahay.
Sinabi ni Solidum sa Laging Handa briefing na importanteng matingnan ng local government unit (LGU) ang mga bahay, kahit sabihing konkreto pa ang mga ito dahil humihina rin aniya at madaling masira ito sa malalakas na lindol.
Samantla, hinikayat ni Solidum ang publiko na subukan ang mobile app na “how safe is my house” na kanilang inilabas.
Pwede rin aniya itong magamit ng mga LGU para malaman ang mga bahay sa kanilang mga hurisdiksiyon na posibleng matumba at mawasak.
Kailangan lang aniyang sagutin ang 12 tanong at malalaman na kung gaano katibay at kung gaano kadelikado ang isang bahay.