Umapela ang Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) sa pamahalaan na ihanda na rin ang mga Local Government Unit (LGU) sa labas ng National Capital Region (NCR) para sa implementasyon ng Alert Level System.
Kasunod ito ng pagsasailalim ng Metro Manila sa pilot implementation ng Alert Level System noong Setyembre 16 at magtatapos sa Setyembre 30.
Ayon kay ULAP Chairperson at Quirino Governor Dakila Cua, kailangan maituro na agad ang bagong sistema upang maka-adapt agad at hindi mabigla ang mga LGU sa oras na ipatupad din ito sa ibang probinsiya.
Kasabay nito, tiniyak ni Cua ang patas na distribusyon ng COVID-19 vaccine sa mga probinsya para makamit din ng mga ito ang herd immunity.
Una nang tiniyak ng National Task Force (NTF) na inaasahang aabot sa 50 hanggang 60 percent ang mababakunahan mula sa target population sa buwan ng Disyembre.