
Inalerto ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang mga local government units sa paligid ng Bulkang Kanlaon sa Negros na maghanda at magpatupad ng kaukulang hakbang dahil sa banta ng pagdaloy ng lahar sa dalisdis ng bulkan dulot ng mga pag-uulan na dala ng Bagyong Basyang.
Partikular na pinaghahanda ng PHIVOLCS ang mga komunidad ng Bago City, La Carlota City, La Castellana, Moises Padilla, San Carlos City, Negros Occidental, Canlaon City, at Negros Oriental.
Ayon sa PHIVOLCS, ang mga lugar na ito lalo na ang mga malalapit sa ilog ay maaaring maapektuhan ng pagdaloy ng lahar at sediment-laden streamflows kung patuloy ang mararanasang pag-ulan sa paligid ng bulkan.
Pinayuhan ng PHIVOLCS ang mga residente na kung kinakailangan ay agad nang lumikas upang makaiwas sa sakuna.
Nanatiling nasa ilalim ng Alert Level 2 ang babala sa Bulkang Kanlaon, na ang ibig sabihin ay nagpapatuloy ang mataas na aktibidad ng bulkan.










