Pinapaalala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga Local Government Units (LGUs) ang mahigpit na pagsunod sa health and safety protocols sa road clearing operations na pinasimulan na ngayong araw.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, ipagpapatuloy na ang road clearing operations sa buong bansa sa loob ng 60 araw matapos matigil dahil sa COVID-19 pandemic.
Paliwanag ng kalihim, exempted pa sa clearing operations ang mga lugar na nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) at Enhanced Community Quarantine (ECQ) at mga lugar na lubog pa sa tubig baha.
Base sa DILG Memorandum Circular No. 2020-145, lahat ng lugar sa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) ay obligado nang ipatupad ang road clearing operations.
Habang ang mga lugar sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ay partial implementation lamang.
Dagdag pa ng DILG, hangga’t hindi pa natatapos ang pandemya ay exempted muna sa clearing operations ang mga naka-park na ambulansiya at mga public emergency vehicles.
Pati rin ang mga checkpoints ng LGUs, IATF, pulisya o militar at mga pansamantalang istruktura para sa bicycle lanes.