Iminungkahi ni Senator Grace Poe sa mga Local Government Units o LGUs na maglagay ng maaasahan at maayos na sistema kaugnay sa pagsisikap na mapabilis ang pagbabakuna sa bansa.
Giit ni Poe, ito ay para madaling matukoy kung sino ang mga nabakunahan na at mabigyan din ng proteksyon ang integridad ng vaccination card laban sa pag-abuso at manipulasyon.
Diin pa ni Poe, dapat maging mahigpit sa dokumentasyon upang maingatan ang mga sensitibong impormasyon ukol sa kalusugan ng mamamayan.
Ipinaliwanag ni Poe na hindi lamang mabilis na pagbili ng bakuna laban sa COVID-19 ang itinatakda ng Vaccination Program Act.
Ayon kay Poe, nakapaloob din sa batas ang maayos na pagpapatupad ng pagbabakuna kasama ang pag-iisyu ng vaccine card na kakailanganin sa pagbyahe at pagtatrabaho na mahalagang aspeto sa pagbuhay ng ekonomiya.