Mga LGUs, huwag magpapasilaw sa bigay ng mga POGO — Sen. Gatchalian

Pinayuhan ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian ang mga lokal na pamahalaan na huwag magpapasilaw sa mga ibinibigay ng POGO at maging alerto sa mga POGO sa kanilang lugar.

Kaugnay pa rin ito ng sunod-sunod na pagsalakay ng mga awtoridad sa mga POGO kung saan ang ilan dito ay kinasangkutan ng mga pulitiko.

Ayon kay Gatchalian, dapat ay maging mapagmasid at alerto ang mga local government units (LGUs) sa POGO sa kanilang mga lugar at huwag gamitin ang mga katagang ‘hindi nila alam o wala silang nalalaman’.


Sinabi ng senador na nagiging “convenient excuse” o palusot ng mga local chief executives sa mga munisipalidad o lungsod ang mga ganitong sagot.

Mahalaga aniya na maging alerto ang mga LGUs kung may POGO sa kanilang lugar lalo na kung gusto nilang mapanatili ang mga ito upang matiyak na legal at hindi masasangkot sa anumang iligal na gawain.

Dagdag pa ni Gatchalian, kung ayaw naman nila ng gulo na dala ng POGO ay tularan ang ilang mga lungsod tulad ng Pasig at Valenzuela na naglabas ng ordinansa na nagbabawal ng POGO sa kanilang mga lungsod.

Facebook Comments