Inatasan ng DILG ang mga Local Government Units (LGU) partikular ang mga nasa National Capital Region (NCR) na tumulong na magpatupad ng water conservation measures upang maiwasan ang water supply interruptions.
Ginawa ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang kautusan kasunod ng patuloy na pagbaba ng water level sa Angat Dam na pangunahing water source ng NCR.
Ipinakita ng mga pagtaya na ang antas ng tubig sa Angat Dam ay inaasahang aabot sa pinakamababang antas ng operating level nito bago matapos ang buwang kasalukuyan maliban na lang kung umuulan nang mas maaga kaysa sa inaasahan.
Sa isang Memorandum Circular, inatasan ang lahat ng mga Lokal na punong ehekutibo, kabilang ang mga punong barangay, na magsagawa ng regular na monitoring sa mga metro ng tubig at agad na iulat ang mga pagtagas sa mga water service providers.
Dapat aniyang tiyakin ng mga LGU na ang lahat ng tanggapan ng gobyerno ay may hiwalay na metro ng tubig upang madaling masubaybayan ang pagkonsumo ng tubig at posibleng pagtagas.
Ang mga water pipe valves sa pangunahing gusali ay dapat isara mula alas-7 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga.
Hinihikayat din ang mga LGU na i-maximize ang Rain Water Harvesting sa mga pasilidad ng gobyerno, habang Water Catchment System naman sa mga residential na lugar upang mangolekta at mag-imbak ng tubig para sa paglilinis at iba pang hindi maiinom na gamit.
Inaasahan din sa mga LGU na magsagawa ng mas malawak na information dissemination sa mga hakbang sa pagtitipid ng tubig upang itaas ang kamalayan ng publiko sa aktibong partisipasyon para dito.