Inutusan ng Palasyo ang mga Local Government Officials na hindi pa rin tapos sa pamamahagi ng tulong pinansyal sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) na ipagpatuloy lamang nila ang pagbibigay ng cash aid.
Ito ay matapos sabihin ni Interior & Local Government Secretary Eduardo Año na 91% o 1,265 LGUs lamang ang nakakumpleto ng payout kahapon sa buong bansa kasabay ng ibinigay nilang palugit
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Atty. Harry Roque, kailangang maipamahagi ang lahat ng pondo sa mga nangangailangan hanggat hindi pa binabawi ng DSWD ang pera mula sa mga LGUs.
Kasunod nito pinagpapaliwanag na ng DILG ang mga local chief executives na hindi nakapagpamahagi ng cash assistance at hindi nakatugon o nakahabol sa deadline kahapon.
Mag-iisyu aniya ng show cause order ang DILG laban sa mga LGUs na may mahinang performance sa distribusyon ng emergency subsidy.