Umapela si Camarines Sur Representative LRay Villafuerte sa mga Local Government Units o LGUs na tumulong sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Commission of Senior Citizens (NCSC).
Para ito sa pagbuo ng database ng 12.3 million mga senior citizen sa buong bansa.
Diin ni Villafuerte, kailangang magkaroon ng database para sa nga senior citizens para sa paglalatag ng mga polisiya para sa kanilang kapakanan.
Pangunahing inihalimbawa ni Villafuerte ang pagpapatupad ng Republic Act 11916 o Social Pension for Indigent Seniors Act na nag-uutos ng pagbibigay ng P1,000 kada buwan sa 4-milyong mga senior citizen.
inaatasan ng naturang batas ang DSWD at NCSC na i-update at i-validate ang listahan ng mga senior citizen at ang mga tumatanggap ng social pension.
Ngunit binanggit ni Villafuerte na ayon sa NCSC, hanggang nitong June 18 ay nasa mahigit 2 million senior citizen pa lamang ang nairerehistro sa database.