Pinapayuhan ngayon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang mga local government units na paigtingin ang paghahanda sa posibilidad ng biglaang pagputok ng Taal Volcano.
Inirerekomenda ng PHIVOLCS na ilikas ang mga residente sa paligid ng Taal Lake.
Ito’y upang maiwasan ang mga pinsala sa buhay sakaling magkaroon ng problema sa road accessibilities.
Nakapagtala ang PHIVOLCS ng bahagyang pagtaas sa seismic activity at mga pagbabago sa main crater lake ng Bulkang Taal sa Batangas.
Mula February 13, may kabuuang 68 na volcanic tremor ang naitala hanggang kahapon ng hapon.
Naobserbahan din sa bulkan ang pagtaas ng acidity at temperatura sa main crater lake nito.
Hindi pa rin isinasantabi ng PHIVOLCS ang posibilidad na biglaang pagputok nito dulot ng steam-driven o phreatic explosion at paglabas ng mapanganib na volcanic gas at ashfall.
Base sa pinakahuling bulletin na inilabas ng PHIVOLCS kaninang umaga, nakapagtala pa ng 98 tremor episodes ang bulkan sa nakalipas na 24 oras at pagbuga ng kulay puting usok sa main crater na may taas ng hanggang limang metro.