Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na tiyaking makapaglalagay ng internet connection sa mga malalayo at liblib na lugar sa bansa.
Ito ay alinsunod sa ang National Digital Connectivity Plan o ang NDCP 2024-2028.
Mungkahi ng pangulo sa DICT, maglunsad ng connectivity program sa mga lugar kung saan maaaring magbigay ng libreng Wi-Fi ang pamahalaan.
Ito’y para matiyak aniya ang merkado para sa mga kompanya ng telekomunikasyon at makapagbigay rin ng koneksyon sa mga pasilidad ng gobyerno gaya ng barangay offices, LGUs at iba pa.
Ayon sa pangulo, pwede na ring maisama sa budget sa mga susunod na panahon ang pondo para sa Wi-Fi ng mga ahensiya ng pamahalaan na hindi naman daw mangangailangan ng malaking halaga.
Sabi pa ng pangulo, mahalaga ang NDCP dahil ito ang magsisilbing pundasyon sa paglikha ng isang digital Philippines.