Patung-patong na kaso ang isasampa ng Quezon City Police District (QCPD) sa mga lider at miyembro ng iba’t ibang militanteng grupo na nambugbog sa isang pulis at pinagnakawan pa ng gamit sa Quezon City kahapon, July 13, 2020.
Ayon kay QCPD Director PBGEN Ronnie Montejo, pasado alas-10:30 ng umaga kahapon nang magsagawa ng protest rally ang humigit kumulang 150 militanteng grupo sa compound ng Commission on Human Rights.
Base sa imbestigasyon, nasa lugar din ang biktima na si Police Chief Master Sergeant Feliciano Evangelio, nakatalaga sa District Special Operations Unit sa Camp Karingal kasama ang apat pang pulis para sa peace-keeping at monitoring sa lugar ng ilegal na kilos protesta.
Sinadya umanong gulpihin ang pulis nang ipag-utos ng ilang lider ng militante at pagkatapos kinuha ang kagamitan tulad ng black belt bag na naglalaman ng kanyang baril, 2 magazines na may 30 bala, wallet na naglalaman ng mga IDs at cash na P5,000, relo at cellphone.
Kabilang sa mga sasampahan ng kaso ay sina; Bryan Gonzales, lider ng KARAPATAN; Kara Levina Taggagoa, lider ng League of Filipino Students; Larry Balbuena, Presidente ng PASADA PISTON; at iba pang lider at miyembro ng Bayan Muna, Anakpawis, Sanka, Lumad, Save our School Network at Kabataan partylist.
Kasong robbery, physical injury, direct assault, grave coercion, paglabag sa Republic Act 11332 at paglabag sa Republic Act 146 at Illegal Assembly ang isasampa laban sa kanila ng QCPD.