Mga lider ng BARMM, magpupulong para pag-usapan ang isinusulong na election postponement sa rehiyon

Magpupulong pa ang mga lider ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) patungkol sa itinutulak ng Senado na pagpapaliban sa halalan sa rehiyon sa susunod na taon.

Kaugnay pa rin ito sa naging desisyon ng Korte Suprema na tanggalin sa BARMM ang lalawigan ng Sulu matapos na hindi kilalanin ng lalawigan ang Bangsamoro Organic Law (BOL).

Sa budget deliberation sa plenaryo ng Senado, nabusisi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel kung ano ang posisyon ng BARMM leadership sa election postponement matapos nitong tukuyin ang balita na gusto ng Moro Islamic Liberation (MILF) ng halalan sa 2025.


Tugon dito ng BARMM sa pamamagitan ni Senate Finance Committee Chair Grace Poe, magpupulong pa ang mga myembro ng BARMM at sa tamang panahon ay magbibigay din sila ng kanilang opinyon hinggil sa naturang usapin.

Sinabi pa ni Poe na ang posisyon ng MILF ay isa lamang sa maaaring ikunsidera sa deliberasyon ng mga BARMM leader.

Samantala, sinabi naman ni Senator Migz Zubiri na maghahain sila ng panukala sa susunod na 20th Congress para muling itanong sa Sulu kung gusto pa ba nilang manatili o ayaw na sa BARMM.

Kakailanganin ding amyendahan ng Kongreso ang BOL pero simpleng amendment na lamang ito at hindi naman na kakailanganin ng plebisito para baguhin.

Facebook Comments