Hindi nagustuhan ng mga pinuno ng House of Representatives ang banta umano ni Senate President Juan Miguel Zubiri na magkakaroon ng ‘constitutional crisis’ dahil sa People’s Initiative.
Tugon umano ito ni Zubiri sa liham na ipinadala sa kanya ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na nagsasaad ng kahandaan ng Kamara na suportahan ang inihain nitong Resolution of Both Houses No. 6 na naglalayong ikasa ang Charter Change (Cha-cha) sa pamamagitan ng Constituent Assembly (ConAss).
Giit ni House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” Dalipe, sa halip na pagbabanta ay mainam na makipagdayalogo si Zubiri kay Speaker Romualdez na nananawagan ng pagkakaisa para matupad ang pag-amyenda sa Konstitusyon.
Sinabi naman ni House Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., na sa halip na itaguyod ang pagkakaisa at konstruktibong pakikipagtulungan ay mas inatupag pa ni Zubiri ang manakot na magkakaroon ng krisis sa konstitusyon.
Iginiit naman ni Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jayjay” Suarez na mahalaga ang diwa ng pagtutulungan sa pagitan ng Kamara at Senado para makamit ang hinahangad na reporma sa Konstitusyon na para sa ikabubuti ng bansa.