Hindi pa rin maaaring basta-basta na lamang arestuhin ang mga pansamantalang nakalaya na mga lider ng NDFP political consultants. Ito ang binigyang diin ni Atty. Edre Olalia, legal consultant ng NDFP negotiating panel makaraang wakasan na ng gobyerno ang pakikipag-usap sa mga komunista. Paliwanag ni Olalia, hindi pa maituturing na properly terminated ang peace negotiations sa pagitan ng CPP-NPA-NDF at ng gobyerno dahil wala pang notice of termination na nalalagdaan. Alinsunod kasi sa Joint Agreement on Safety & Immunity Guarantees (JASIG) kinakailangan munang may kasunduan sa magkabilang panig na winawakasan na ang peace talks at ito ay magiging epektibo pa sa loob ng 30 araw. Sinabi pa nito, na mayroon ding immunity ang mga peace consultants mula sa surveillance, harassment, search, arrest, at detention. At tanging ang korte kung saan sila nabigyan ng pansamantalang kalayaan ang makakapag-utos kung ang mga ito ay dapat na bang arestuhin at muling ikulong. Una nang sinabi ni Pangulong Duterte makaraang wakasan na ng magkabilang panig ang peace talks na maaaring nang arestuhin anu mang oras ang mga lider ng mga komunista pagbalik nila ng Pilipinas.
Mga Lider Ng Ndfp Political Consultants Na Pansamantalang Pinalaya Ng Gobyerno, Hindi Pa Pwedeng Arestuhin
Facebook Comments