Mga lider ng SBSI, posibleng tumagal pa sa Senado hangga’t hindi nagsasabi ng totoo

Hindi matiyak ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa kung hanggang kailan magtatagal sa kustodiya ng Senado ang mga lider ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) na sina Senior Agila o Jay Rence Quilario at tatlong iba pa.

Ayon kay Dela Rosa, posibleng magtagal pa ang mga lider ng SBSI na pina-contempt ng Senado dahil sa ikalawa at huling pagdinig pa malalaman kung magsasabi na ng katotohanan ang mga ito.

Aniya, kung talagang magsasabi na ng totoo sina Senior Agila ay pupwede na nilang i-lift o alisin ang contempt order at pauwiin na sila sa kanilang mga sitio.


Pero, babala ni Dela Rosa, sakali namang hindi makuntento ang komite sa mga isasagot ng SBSI leaders at hangga’t hindi sila magsasabi ng totoo ay posibleng ma-hold ang pagpapalaya sa kanila.

Samantala, pagdating naman sa pananagutan, sinabi ni Dela Rosa na mas malaki pa rin ang pananagutan ng mga utak ng krimen sa grupo dahil kahit pa may mga miyembro na nakagawa ng paglabag, iginiit ng senador na hindi ito magagawa kung walang naguutos sa kanila.

Target namang mailabas agad ang committee report sa imbestigasyon bago matapos ang taon o kahit pagkatapos ng pagdinig dito.

Facebook Comments