Cauayan City, Isabela- Nagbigay ng paalala ang Isabela Electric Cooperative (ISELCO) 2 sa publiko para magkaroon ng maayos at magandang suplay ng kuryente.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Dave Solomon Siquian, General Manager ng ISELCO 2 at Chairman ng Philippine Federation of Electric Cooperatives (PHILFECO), mayroon aniyang batas na nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte na magtitiyak ng uninterrupted power supply sa mga kabahayan at mabigyan ng kaayusan at kredibilidad ang mga power lines.
Layon aniya ng batas na imintina ang malinis na linya ng mga kuryente at walang mga sagabal gaya ng mga sanga ng puno.
Pinaalalahanan din ni GM Siquian ang publiko na ipinagbabawal na ang pagtatanim ng puno malapit sa power line corridor, pagpapatayo ng anumang struktura na malapit sa poste ng kuryente para maiwasan ang mga hindi inaasahang brownout.
Ani pa nito, maaaring putulin o tanggalin ng mga mag-aayos o magsasagawa ng maintenance ang anumang makikitang sagabal sa linya ng kuryente.
Humihingi naman ito ng paumanhin at pasensya sa mga pagkukulang ng ISELCO 2 subalit pakiusap nito sa lahat na huwag sana aniya silang sisihin at murahin sakaling magkaroon ng hindi inaasahang brownout.
Samantala, pinapayuhan ang mga consumer owners na hindi pa nakakapagbayad ng electric bill nitong mga nakalipas na buwan na mangyaring bayaran na ang kuryente upang hindi na humantong sa gagawing disconnection sa darating na Setyembre.