Mga lisensya ng baril at security agencies na mag-e-expire sa loob ng quarantine period, pinalawig

Extended ang lahat ng License to Own and Posses Firearms (LTOPF), Firearm Registration, License to Operate Firearms ng Private Security agencies at License to Exercise in Security Profession (LESP) na mapapaso sa loob ng quarantine period.

Ito ang rekomendasyon ni Civil Security Group Director Police Major General Roberto Fajardo na inaprubahan naman ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Archie Francisco Gamboa.

Sinabi ni Fajardo, maaring i-renew ang mga napasong lisensya pagkatapos ng quarantine period sa April 15, na walang multa.


Ang ipinatupad na “protocol” sa mga mapapasong lisensya ay bilang pagsuporta sa deklarasyon ng Pangulo ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong Luzon.

Tinukoy ni Fajardo ang mahalagang papel ng mga security guard bilang force multipliers sa pagbabantay ng mga establishment sa panahong umiiral ang quarantine.

Kaya importante, aniya, na hindi maabala ang operasyon ng mga security agency at manatiling valid ang lahat ng kanilang mga dokumento sa panahon na umiiral ang quarantine.

Kabilang ang mga security guard sa exempted sa quarantine, at kailangan lang nilang ipakita ang kanilang mga ID para pahintulutang makapunta sa kanilang trabaho.

Facebook Comments