Mahigpit na pinapa-monitor ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda sa Local Water Utilities Administration (LWUA) ang local water districts.
Hiling ito ni Salceda sa LWUA sa gitna ng krisis sa tubig na palalain pa ng El Niño phenomenon.
Iminungkahi rin ni Salceda na pagsamahin ang mga water district na hindi naman gumagana o hindi nagagamit upang mas lumawak ang maserbisyuhan nitong lugar.
Sa pagtaya ni Salceda, humigit-kumulang 300 water districts ang kasalukuyang hindi gumagana o halos hindi gumagana at ang mga lugar na kanilang pinaglilingkuran ay walang central water system.
Bunsod nito ay nanawagan si Salceda sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at sa economic managers na maglatag ng patakaran at insentibo para sa mga local-government “water alliances” na magtutulong para sa mahusay na water management.
Suportado naman ni Salceda ang planong national water inventory ng bagong LWUA administrator gayundin ang patubig sa “Buong Bayan at Mamamayan Project”.