Umapela si Marino Party-list Rep. Sandro Gonzalez na isama ang mga locally stranded seafarers sa Balik Probinsya Program at Malasakit Voyages ng pamahalaan.
Ang apela ng kongresista ay kasunod na rin ng mga natanggap na sumbong mula sa mga distressed seafarers na stranded sa NCR na mula pa noong nagsimula ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay nananatili lamang sila sa mga dormitories sa Metro Manila.
Ayon kay Gonzalez, marami silang natatanggap na request sa kanilang online platform na mga seafarers na humihingi ng tulong na mapauwi na lamang sa kanilang mga probinsya.
Aniya, kung may programa man para sa pagpapauwi ng mga stranded na manggagawa ang pamahalaan ay para lamang ito sa mga OFWs at seafarers na ni-repatriate mula sa ibang bansa at hindi kasama dito ang mga seafarers na stranded sa NCR at sa ibang bahagi ng Luzon.
Marami na sa mga locally stranded na seafarers ang naubos na ang pantustos dahil sa natigil na trabaho.
Kaya’t panawagan nito sa gobyerno isama rin ang mga local seafarers sa programa na pagpapauwi sa mga probinsya habang naghahanap ng trabaho o habang naghihintay ng kanilang deployment.