Mga lokal na bangko na iniuugnay sa money laundering activities ni dating Mayor Alice Guo, paiimbestigahan ng Senado

Ipasisilip ni Senator Sherwin Gatchalian sa Senado ang pananagutan ng mga bangko sa money laundering activities na kinasangkutan ni dating Mayor Alice Guo sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ayon kay Gatchalian, isusulong niya ang imbestigasyon sa mga local banks na naging kasangkapan ni Guo sa kanyang mga money laundering activities at sa katunayan ay may binabalangkas na silang resolusyon para dito.

Aminado ang senador na isa ang anggulong ito sa hindi nabigyan ng spotlight o hindi na natutukan matapos siyasatin ng mataas na kapulungan ang mga POGO sa bansa.


Aniya, napakalaking krimen din ng money laundering crimes na sinimulan mula sa mga POGO kaya marapat lamang na detalyadong silipin ito.

Dapat aniya ay awtomatikong idinedeklara ng mga bangko ang mga bank deposits na aabot ng P500,000 pero sa nangyari sa mga transaksyon ni Guo ay papaanong nakapasok sa bansa ang P7 billion na hindi man lang nade-detect ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at hindi inire-report ng mga bangko.

Facebook Comments