Umaasa si Senator Imee Marcos na babagsak sa kanyang komite ang inihaing resolusyon para imbestigahan ang nabulgar na pagbabayad sa bawat lagda ng mga tao para sa isinusulong na People’s Initiative na pag-amyenda ng Konstitusyon.
Inihain ni Sen. Marcos ang Senate Resolution 902 para silipin ang mga lumabas na ulat na nagkakaroon ng bayaran at maling representasyon sa tunay na People’s Initiative.
Ayon kay Sen. Marcos, umaasa siyang babagsak sa Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation na kanyang pinamumunuan ang imbestigasyon kung saan plano niyang ipatawag ang lahat ng mga lokal na opisyal upang alamin kung saan natanggap ang mga napaulat na alok na halaga kapalit ng pirma ng mga botante.
Dagdag din sa bubusisiin ang kumalat na text message na mayroong P20 million na ibibigay sa bawat congressional district kapalit ng malilikom na lagda ng mga tao para sa pag-amyenda ng Saligang Batas.
Samantala, nagtataka ang senadora dahil kung may government aid o paayuda sa mga lugar ay hindi naman lahat ng distrito ay may emergency o wala namang naranasang bagyo, lindol, o anumang kalamidad o insidente.
Muli namang iginiit ng senadora na nakukulitan na siya sa mga nasa likod ng Charter Change (Cha-cha) at mismong ang kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos ay naghayag na hindi prayoridad ang pag-amyenda sa Konstitusyon sa dami ng problema ng bansa na mas dapat na unahin at resolbahin.