Mga lokal na opisyal na ibubulsa ang ‘ayuda,’ ipapakulong – Malacañang

Nanindigan ang Malacañang na hindi dapat ninanakaw ng local government officials ang financial aid para sa mga mahihirap na benepisyaryong apektado ng enhanced community quarantine (ECQ).

Ito ang pahayag ng Palasyo kasabay ng banta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga local officials laban sa posibleng pagkakasangkot sa mga anomalya sa pagpapatupad ng ₱22.9 billion supplemental amelioration program.

Sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, makukulong ang sinumang lokal na opisyal na mapapatunayang ibinulsa ang ayuda.


Paalala ni Roque sa mga local officials na magsilbing leksyon para sa kanila ang sinapit ng iba pang public servants na kinasuhan dahil sa pagkakasangkot sa anomalya sa pagpapatupad ng mga naunang subsidy program.

Nangako naman ang Department of Interior and Local Government (DILG) na mahigpit nilang babantayan ang distribusyon ng cash assistance.

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya na ang mga local government units na itinuturing na ‘special concern areas’ dahil sa mga anomalya sa pagpapatupad sa Social Amelioration Program (SAP) ay mahigpit na tututukan.

Pagtitiyak ni Malaya na hassle-free at malinis mula sa korapsyon ang cash assistance distribution.

Sa ilalim ng bagong subsidy program, mamamahagi ang pamahalaan ng ₱1,000 na ayuda sa 22.9 million low-income individuals na nakatira sa NCR+ bubble.

Facebook Comments