Mga lokal na pamahalaan, hinikayat ni PBBM na suportahan ang sports development ng bansa

Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang lahat ng lokal na pamahalaan na patuloy na magbigay ng suporta para sa sports development ng bansa.

Ang panawagang paghikayat ay ginawa ng presidente sa pagdalo sa opening ceremony ng 2023 Palarong Pambansa sa lungsod ng Marikina kahapon.

Sa seremonya siniguro ng pangulo na mananatili ang gobyerno sa pagpupursige para matulungan ang mga Atletang Pilipino para manalo sa mga laban.


Hinikayat rin ng pangulo ang Department of Education (DepEd) na panatilihin ang pagtuturo sa mga kabataang estudyante na mahubog ng husto ang kanilang talento at sportsmanship.

Kinakailangan ayon sa pangulo na makapagbigay ng sapat na pagsasanay sa mga kabataang atleta.

Naniniwala ang pangulo na sa pagpupursige ay mas mapagyayabong ang kasanayan ng mga kabataang atleta ng Pilipinas.

Kaugnay nito inimbitahan naman ng pangulo ang lahat ng Pilipino na manood ng mga laro ng mga atletang Pilipino bilang pagsuporta katulad ng Palarong Pambansa.

Ang Palarong Pambansa ay tatlong taong hindi nagawa dahil sa naranasang COVID-19 pandemic.

Facebook Comments