
Inatasan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng lokal na pamahalaan na magsagawa ng mga hakbang laban sa overpricing at pagsasamantala.
Ito’y sa gitna ng deklarasyon ng National State of Calamity.
Ayon sa DILG, hindi dapat gawing dahilan ang public emergencies upang pagsamantalahan ang mamamayan.
Dapat umanong tiyakin ng mga LGU na mananatiling patas at makatwiran ang presyo ng mga pangunahing bilihin, kasabay ng babala sa mga nagsasamantala na pananagutin ang mga ito.
Ang kautusan ay bunsod ng mga ulat hinggil sa dobleng pagtaas ng presyo ng mga generator at iba pang bilihin sa Bacolod City.
Dahil sa deklarasyon ng national calamity, ipinag-utos din ng DILG sa mga gobernador, alkalde, at opisyal ng barangay na suspindihin ang mga biyahe sa ibang bansa at i-activate ang kanilang Local Price Coordinating Councils upang imonitor ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan.
Samantala, inatasan na rin ng ahensya ang Philippine National Police (PNP) na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan sa Bacolod upang i-validate at imbestigahan ang mga ulat at ipatupad ang agarang aksyon laban sa mga mapagsamantalang negosyante sa panahon ng kalamidad.








