Nakaalerto ang mga lokal na pamahalaan sa northern Luzon sa posibleng epekto ng Bagyong Gardo at Bagyong Henry na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council Spokesperson (NDRRMC) at Civil Defense Deputy Administrator for Operations Asec. Bernardo Alejandro IV, patuloy silang nagmo-monitor sa sitwasyon.
Sa ngayon, wala pa naman silang natatanggap na report hinggil sa epekto ng 2 bagyo.
Mahigpit aniya ang kanilang direktiba sa mga Local Government Units (LGUs) lalo na sa Cagayan at Batanes na magdoble ingat.
Kahapon, inatasan na ng NDRRMC ang kanilang regional counterparts na magsagawa ng pre-disaster risk assessment.
Samantala, tiniyak ni Alejandro na may sapat na supply ng food at non-food items sa mga apektadong lugar, at nakahanda rin aniya ang Quick Response Fund ng NDRRMC, kung kakailanganin.