
Ipinagmalaki ng Department of Finance (DOF) na ang mga nasa pinakamahihirap na pamilya sa bansa ang pinakanakaramdam ng pagbagal pa ng inflation rate.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, epekto ito ng mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan para makontrol ang presyo ng pangunahing bilihin partikular na ang pagkain lalo na para sa mahihirap na Pilipino.
Nitong Mayo, naitala sa 1.3 percent ang inflation o antas ng pagmahal ng presyo ng bilihin at serbisyo sa bansa na pinakamababa mula noong November 2019.
Sa ngayon, nasa 1.9 percent na ang average na year-to-date headline inflation sa bansa na mas mababa pa sa target na 2 hanggang 4 na porsyento.
Mas mababa naman ang year-to-date inflation para sa low-income households na nasa isang porsyento lamang dahil sa ginagawang hakbang ng gobyerno para tugunan ang pagmahal ng bilihin.









