Naniniwala si Vice President Leni Robredo na ang personal na presensya nila ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nakakataas ng morale sa mga residenteng nasalanta ng malawakang pagbaha sa Cagayan.
Matatandaang bumisita sina Pangulong Duterte at VP Robredo sa lalawigan na nalubog sa tubig bunga ng Bagyong Ulysses at pagpapakawala ng tubig sa dam.
Binisita ni Robredo ang mga apektadong residente sa Tuguegarao City habang nagsagawa naman si Pangulong Duterte ng aerial inspection sa mga binahang lugar.
Ayon kay Robredo, ang pagpunta nila ni Pangulong Duterte sa lalawigan, at ng iba pang opisyal ng pamahalaan ay nakakatulong na mabigyan ng pag-asa ang mga nasalantang residente.
Iginiit din ni Robredo na hindi dapat ginagawang isyu ang kung sino sa kanila ni Pangulong Duterte ang naunang pumunta sa lalawigan at iba pang lugar na tinamaan ng kalamidad.
Bukod sa Tuguegarao, pinuntahan din ng Bise Presidente ang Isabela na matindi ring binaha.
Maraming apektadong residente ang humihingi ng ayuda tulad ng pagkain at inuming tubig.