Mga lugar na isasailalim sa MECQ, lalagyan ng mas maraming checkpoint; quarantine pass, ire-require ulit!

Muling maglalagay ang Joint Task Force (JTF) COVID Shield ng mas maraming checkpoint sa mga lugar na sakop ng ipatutupad na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) simula bukas.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni JTF COVID Shield Commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar na maglalagay ulit sila ng checkpoint sa mga border ng lungsod at munisipalidad.

Sa kasalukuyan ay nasa boundary lang ng mga probinsya at rehiyon ang mga checkpoint.


Aniya, tanging mga empleyado lang ng permitted industries ang papayagang dumaan sa mga checkpoint.

Bukod dito, required na muli ang paggamit ng quarantine pass para malimitahan ang bilang ng mga taong papayagan lang lumabas kada tahanan.

Aabisuhan din ng task force ang mga mall at kahalintulad na business establishment na huwag magpapasok ng mga hindi naman residente ng lungsod.

Kabilang sa mga lugar na isasailalim sa dalawang linggong MECQ ay ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.

Facebook Comments