Lumawak pa ang ilang bahagi ng karagatan sa bansa na kontaminado pa rin ng red tide toxin.
Base sa huling ulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), apektado na rin ng paralytic shellfish poison ang mga baybaying dagat ng Honda Bay, Puerto Princesa City sa Palawan; Maqueda at Villareal Bays sa Western Samar; at Carigara Bay sa Leyte.
Kamakailan lamang, inalerto ng BFAR at Local Government Units (LGUs) ang publiko dahil sa muling pagkakaroon ng presensiya ng red tide toxin sa siyam na coastal waters ng Bataan.
Dahil dito, mahigpit na ring ipinagbabawal ang paghango, pagbenta at pagkain ng mga shellfish at iba pang lamang dagat sa nabanggit na coastal waters ng Palawan, Western Samar at Leyte.
Samantala, nanatili pa ring positibo sa red tide ang 16 pang coastal waters sa iba’t ibang panig ng bansa na una nang idineklara ng BFAR.
Huling inanunsyo ng BFAR noong October 5, 2020 ang pagiging red tide free ng Siit Bay, Siaton at Bais Bay sa Bais City, Negros Oriental.