Kinumpirma ng Muntinlupa City government na muli nitong mahigpit na ipatutupad ang health at safety protocols sa mga lugar na maituturing na super spreader ng COVID-19.
Sa gitna ito ng tumataas na kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) sa nakalipas na linggo at sa posibilidad na itaas ang alert level.
Ayon sa City Health Office, babantayan nila ang mga simbahan, paaralan, mall, transport terminals, PUVs, palengke at basketball courts.
Bagama’t mababa pa ang active cases sa lungsod, gagawa na ng hakbang ang city government upang maiwasan ang muling pagtaas ng bilang ng mga pasyente.
Sa tala ng City Health Office, mayroong apat na nadagdag sa bilang kaya sa kabuuan ay labing-anim ang binabantayang kaso sa Muntinlupa habang nananatiling COVID-19 free ang Barangay Buli, Putatan, Sucat at Bayanan.
Dagdag pa ng City Health Office, wala pang community transmission at clustering ng mga kaso sa lungsod.
Kaugnay nito, pinaalalahanan naman ng LGU ang publiko na tiyakin ang pagsunod sa mandatory na pagsusuot ng face mask, pag-isolate kapag may sintomas, pagsasailalim sa COVID-19 antigen o RT-PCR test, pag-iwas sa matataong lugar at pagpapabakuna ng primary series at booster shot.