Patuloy pa ring makakaranas ng mahina o kawalan ng supply ng tubig ang customer ng Manila Water sa ilang lugar sa Metro Manila at karatig lalawigan.
Apektado nito ang Makati, Parañaque, Pateros, San Juan, Marikina, Mandaluyong, Pasig, Taguig at Quezon City.
Kasama rin ang Antipolo, Cainta, Rodriguez, Jala-Jala, San Mateo, Taytay, Teresa, Binangonan at Angono sa Rizal Province.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga residente sa nasabing mga lugar na mag-imbak ng sapat na tubig.
Nag-iikot na rin ang ilang water tankers para mag-deliver ng libreng tubig.
Makikita naman ang kabuuang apektado ng water service interruption sa mga social media pages ng Manila Water.
Samantala, magpapatupad ang Maynilad ng network maintenance activity sa Gonzales/Gov. Pascual, Navotas City sa pagitan ng alas-11 ng gabi ng March 13 at alas-5 ng umaga ng March 14.
Dahil dito, asahan na ang pansamantalang water service interruption sa Barangay Bagumbayan North, Bagumbayan South, Navotas East, Navotas West, San Jose at Sipac-Almacen.