Hiniling ni Bulacan Representative Lorna Silverio sa pamahalaan, partikular sa mga kinaaukulang ahensya na agarang magkaloob ng “calamity assistance” para sa mga nasalanta ng Super Typhoon Karding.
Sa inihaing House Resolution 439 ay binanggit ni Silverio na dapat agad matulungan ang mga naninirahan sa apat na munisipalidad ng ikatlong distrito ng Bulacan kabilang ang San Miguel, San Ildefenso, San Rafael at Doña Remedios Trinidad.
Paliwanag ni Silverio, dahil sa malakas na hangin at matinding pag-ulan na inihatid ng Bagyong Karding ay lumubog sa baha ang naturang mga lugar.
Diin ni Silverio, hanggang ngayon ay hindi pa rin nakaka-recover ang mga naapektuhang residente sa COVID-19 pandemic at mga nakalipas na kalamidad at dumagdag pa ang Bagyong Karding.
Sabi ni Silverio, ginagawa naman ng mga lokal na pamahalaan ang makakaya para sa kanilang mamamayan tulad ng pagbibigay ng mga pagkain at tubig, mga damit na malilinis, at mga gamit para sa pagkukumpuni ng mga napinsalang bahay.
Pero paliwanag ni Silverio, karamihan sa mga Local Government Units (LGUs) ay kapos sa pondo para magbigay ng calamity assistance kaya ang tulong na ibibigay ng national government ay malaking bagay sa kanilang pagbangon.