Mga lugar na may mataas na bilang ng mga nagkakasakit ng measles, pinatutukoy

Manila, Philippines – Umapela si Deputy Minority Leader Harlin Neil Abayon Jr., sa Department of Health (DOH) na i-disclose sa publiko ang mga lugar sa Eastern Visayas, Metro Manila at ibang rehiyon na may kumpirmadong mataas na bilang ng measles.

Ayon kay Abayon, ito ay para makapaglatag ng hakbang ang gobyerno upang mapigilan ang pagkalat ng sakit sa iba pang mga lugar at para sa agad na paghahatid ng health care services.

Iginiit ni Abayon na dapat ay alam ng mga Alkalde at mga barangay leaders kung saang mga lugar ang may mga naitalang mataas na bilang ng sakit na tigdas.


Dagdag pa dito, dapat ay alam at maipabatid sa publiko ang mga kinakailangang preventive, quarantine, at decontamination measures na maaaring gawin sa bahay, sa trabaho, sa public transport at sa mga pampublikong lugar.

Sa ganitong paraan ay mapipigilan din ang pagkalat ng sakit lalo na sa mga kalapit na probinsya sa Metro Manila.

Bilang isang registered nurse, pinaalalahan din ni Abayon ang publiko ng ibayong pagiingat lalo na sa mga buntis, sanggol at mga bata para hindi mahawa ng tigdas at agad na pagpapasuri sa doktor sakaling magkasakit.

Facebook Comments