Mga lugar na nangangailangan ng karagdagang tulong matapos ang Bagyong Carina, pinatututukoy ni PBBM

Pinatutukoy ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa lahat ng ahensiya ng pamahalan ang mga lugar na nangangailangan pa ng rescue operations at ayuda matapos ang pananalasa ng Bagyong Carina at habagat.

Ito’y upang masiguro na makapagpadala ng karagdagang kagamitan sa pagtulong gayundin ang pamamahagi ng financial assistance at mga relief goods.

Nais din ng Pangulong Marcos na matanggap agad ang kumpletong ulat hinggil sa mga epekto ng mga naapektuhan ng bagyo hindi lamang sa National Capital Region (NCR) maging sa ibang rehiyon.


Gusto rin ng pangulo na makita ang presensiya ng medical team sa evacuation centers kung saan pinasisiguro rin nito na sapat ang suplay ng gamot sa mga nangangailangan lalo na sa mga senior citizens.

Bukod dito, inatasan na rin ni Pangulong Marcos ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magsagawa ng assessment sa epekto ng bagyo upang malaman kung anong mga hakbang ang gagawin.

Umiikot naman na ang Pangulong Marcos sa mga naapektuhang lugar at mga evacuation centers sa Metro Manila at una nitong pinuntahan ang Valenzuela City.

Facebook Comments