Hinikayat ni National Task Force against COVID-19 Special Adviser Dr. Ted Herbosa ang mga lugar na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) na palakasin ang mga hakbang na labanan ang tumataas na kaso ng COVID-19.
Ayon kay Herbosa, dapat mahigpit na ipinatutupad ang Prevent, Detect, Isolate, Treat at Reintegrate strategy.
Mahalaga aniyang matukoy ang mga pinagsususpetiyahang kaso at mga nagkaroon ng exposure sa isang kumpirmadong kaso at agad silang mai-test.
Dagdag pa ni Herbosa na walang ‘secret science’ dito.
Sa ganitong pamamaraan ay mababawasan ang bilang ng COVID-19 infections.
Nabatid na ang Santiago City, Cagayan, Apayao, Benguet, Ifugao, Puerto Princesa, Iloilo City, Cagayan de Oro City, Zamboanga City, Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Sur, Zamboanga del Norte, Butuan City, at Agusan del Sur ay nasa ilalim ng MECQ hanggang June 15.