Posibleng ibalik sa mas mahigpit na quarantine classification ang ilang lugar sa bansa simula Hulyo 16.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, iminumungkahi ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) na ibalik sa General Community Quarantine (GCQ) ang ilang lugar na nasa Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Aniya, tumugon ang IATF sa mga apela ng apat na lungsod at isang pamahalaang panlalawigan sa quarantine classification sa kanilang mga lokalidad.
Gayunman, tumanggi na si Roque na sabihin ang iba pang detalye ukol sa rekomendasyon ng IATF-MEID.
Nagbigay naman ng pahiwatig si Roque na posibleng karamihan sa mga lugar sa bansa ay isasailalim sa MGCQ matapos ang Hulyo 15, 2020.
Natanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng IATF-MEID at inaasahang magdedesisyon ngayong araw ng Miyerkules.