Walang namo-monitor at naitatala ang Department of Trade and Industry (DTI) na mga insidente ng paglabag ng retailers sa ipinatutupad ngayong price freeze sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DTI Assistant Secretary Ann Claire Cabochan na batay sa reports ng kanilang regional offices sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Paeng ay sapat ang suplay ng mga pangunahing bilihin o basic commodities.
Nakikipagtulungan aniya sila sa Local Price Coordinating Council sa tulong ng mga lokal na pamahalaan upang masigurong nasusunod ang price freeze at matatag ang suplay ng mga bilihin.
Ayon kay Cabochan, sinulatan na nila ang mga manufacturer ng basic necessities na paaalalahan ang kanilang retailers sa umiiral na price freeze.
Binigyang diin ni Cabochan na may katapat na parusa ang sinumang lalabag dito o multa na mula limang libo hanggang 1 milyong piso o pagkakakulong ng isa hanggang sampung taon.
Meron din aniyang ipinatutupad na multa ang DTI laban sa mga lalabag na retailer na P500 hanggang P150,000.
Kabilang sa mga rehiyon na isinailalim sa state of calamity ay ang Regions 4-A, 5, 6, at BARRM.