Isasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang National Capital Region (NCR) at mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal simula bukas, Marso 29 na tatagal hanggang Linggo, Abril 4.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ito ay matapos na aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na layong limitahan ang paglabas ng publiko sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Kaugnay nito, tanging ang mga essential business ang papayagang mag-operate habang mananatili pa ring bukas ang mga restaurant para sa take-out at delivery.
Ipagbabawal naman ang mass gatherings at religious gatherings kung kaya’t hindi na rin tuloy ang unang pinayagan ng IATF na once a day na pagtitipon ngayong Semana Santa.
Bukod dito, magpapatupad din ng mahigpit na uniform curfew mula alas-6 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga at tanging ang mga awtorisadong lumabas lamang ang papayagan.
Ayon pa kay Roque, hindi na kailangan pa ng travel pass para sa mga nagtatrabaho pero dapat mayroong dala na Identification Cards na ipapakita sa mga checkpoint.
Samantala, nilinaw rin ni Roque na hindi apektado ng ipatutupad na ECQ ang online class dahil hindi naman aniya lalabas ng bahay ang mga estudyante.