Umakyat na sa 374 ang bilang ng mga lungsod at munisipalidad na nagdeklara ng state of calamity dahil sa epekto ng El Niño phenomenon.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni PCO Asec. Joey Villarama, tagapagsalita ng Task Force El Niño, na kabilang sa mga lugar na ito ang buong rehiyon ng BARMM at 11 mga probinsya.
Dagdag pa ni Villarama na nasa P9.5 billion na ang halaga ng pinsala ng tagtuyot at 162 ektarya ang napinsalang taniman.
Katumbas aniya ito sa 25% ng pinakamalalang El Nino noong 1997 na may naitalang 667 ektaryang sakahan na naapektuhan.
Muli namang tiniyak ng task force na tinutugunan ng pamahalaan ang problema ng nararapat na interventions.
Magsisimula na rin aniyang isailalim sa rehabilitasyon ang mga lupang sakahan at mapaghahandaan na ang paparating na tag-ulan at La Niña.