Nagbabala ang Malacañang na maaari pa ring ibalik sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang mga lugar ibinaba ang lockdown restrictions kapag lumala ang COVID-19 situation.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, nakakatanggap sila ng mga ulat na nababalewala ang social distancing sa ilang pampublikong lugar tulad ng mga malls na pinayagang magbukas nitong Sabado.
Mahalaga ang pakikipagtulungan at pakikiisa ng lahat dahil kapag patuloy na hindi nasusunod ang quarantine protocols ay posibleng tumaas muli ang kaso ng COVIiD-19.
Tungkulin ng pamahalaan na protektahan ang kalusugan ng bawat mamamayan.
Muling iginiit ni Roque na kaya niluwagan ang restrictions sa ilang lugar upang mapasigla muli ang ekonomiya na matinding naapektuhan dahil sa pagsasara ng halos maraming negosyo at industriya.
Hindi rin nagkamali ang gobyerno na ibaba sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila at iba pang lugar.
Una nang sinabi ng Palasyo na ikinukunsidera ng gobyerno ang ‘doubling time’ ng mga kaso, kapasidad ng healthcare system at ekonomiya sa pagdedesisyon hinggil sa pagpapatupad ng quarantine levels sa iba’t-ibang lugar sa bansa.