Mga lugar na paglilipatan ng minimum, medium at maximum security cell, hindi dapat hayaang magkaroon ng “community”

Pinatitiyak ni Senator JV Ejercito sa Department of Justice (DOJ) at sa Bureau of Corrections (BuCor) na hindi papayagang malagyan o mapagtayuan ng “community” ang mga lugar na paglilipatan ng minimum, medium at maximum security cell.

Kasabay nito ang pagtitiyak ng senador na sa susunod na taon ay tiyak na maibibigay ng Kongreso ang pondo para sa pagpapatayo ng mga bagong detention facilities na paglilipatan ng mga persons deprived of liberty (PDLs) mula sa New Bilibid Prison (NBP).

Ang super maximum security cell o super max na itatayo sa Sablayan sa Mindoro ay mangangailangan ng ₱4 billion na pondo habang ang minimum at medium security cell na itatayo sa Fort Magsaysay ay mangangailangan naman ng ₱5 billion.


Magkagayunman aniya ay hindi dapat payagan na matayuan ito ng komunidad tulad ng sitwasyon ngayon sa NBP sa Muntinlupa na napapaligiran na ng mga kabahayan ng mga residente.

Kapag aniya may nakapuslit o nakatakas mula sa NBP ay malabo itong mahuli agad dahil napapaligiran ng komunidad ang bilangguan at madali na lang para sa preso na magpanggap na residente lang sa lugar.

Kung ma-i-relocate aniya sa malayo at isolated na lugar ang kulungan at mahigpit na ipagbabawal ang pagkakaroon ng community ay mas mahihirapan na maka-penetrate o makapasok sa loob ng detention facilities ang mga kontrabando at iba pang gamit na komunikasyon mula sa labas ng kulungan.

Facebook Comments