Isinusulong ni Senator Cynthia Villar na ma-amiyendahan ang Republic Act 11038 o ang Expanded National Integrated Protected Areas System (E-NIPAS) Act para maisama sa protected areas ang tatlo pang lugar sa Pilipinas na kinabibilangan ng Masbate, Negros Oriental at Pampanga.
Kaugnay nito, ay inihain ni Villar ang Senate Bill 1712 na magdedeklara sa Hinakpan Mystical Hills sa Negros Oriental na protected area sa kategoryang natural monument.
Inihain din ni Villar ang Senate Bill 1711 upang isama ang Tugbo Watershed Forest Reserve sa Masbate bilang E-NIPAS protected site na pinagkukunan ng tubig sa Masbate City at Mobo at isang moderate hanggang intensive forest cover sa mabundok na topograpiya.
Sa SB 1713 naman, isinusulong din ni Villar ang deklarasyon ng Mount Arayat sa Pampanga bilang isang protected area dahil sa pagiging natural habitats ng endemic at endangered flora at fauna.
Mahalaga rin aniya itong pinagkukunan ng tubig na gamit sa bahay at agrikultura ng mga nakapaligid na komunidad, malinis na tubig mula sa waterfalls at nakabibighaning rock formations.
Sa kasalukuyan, may 107 protected areas na sumasakop sa tatlong milyong ektarya sa Pilipinas na nadeklarang protected areas sa pamamagitan ng legislation.