Inihain ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang Senate Bill No. 2487 o Paglaum Fund of 2022 na naglalaan ng P20 billion para sa rehabilitasyon ng mga lalawigang sinalanta ng Bagyong Odette.
Ang “paglaum” ay nangangahulugan ng pag-asa.
Inaatasan ng panukala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na bumuo ng rehabilitation plan para sa Department of Budget and Management (DBM).
Laman nito ang espesipikong infrastructure projects para sa rehabilitation o reconstruction sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
Kasama rin sa plano ang pagbibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na pamahalaan ng kailangang tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyo lalo ang mga nawasak ang tahanan.
Sa panukala ni Zubiri ay binanggit ang report ng NDRRMC na mahigit 2.2 million pamilya ang nabiktima ng Bagyong Odette na nag-iwan ng pinsala sa imprastraktura na umaabot sa P17.7 billion, habang nasa P11.5 billion naman ang pinsala nito sa agrikultura.