Mga lugar na wala nang maitatalang COVID-19 cases, pinaaalis na sa lockdown; mga pag-iingat, pinagagawa pa rin sa mga residente

Inirekomenda ni Transportation Committee Chairman at Samar Representative Edgar Mary Sarmiento na tanggalin na sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang mga lugar na makakapagtala ng zero-COVID 19 cases pagkatapos ng Abril 30.

Ayon kay Sarmiento, sa 17 rehiyon sa Pilipinas ay inaasahan na batid na dapat ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang trajectory ng COVID-19 infection kung saan pababa na dapat ang mga kaso nito maliban na lamang sa NCR, Central Luzon at CALABARZON.

Matapos ang limang linggo na ECQ ay makakapagdesisyon na dapat ang IATF sa mga lugar na pwede nang i-lift ang lockdown at simulan ang pilot testing para sa pagbubukas muli ng ekonomiya.


Sa kabilang banda, kahit maideklarang “COVID-free zones o liberated zones” ang ilang mga lugar na wala nang kaso ng coronavirus, maglalatag naman ng mahigpit na polisiya upang matiyak na wala nang maitatalang kaso ng sakit.

Kabilang sa mga kondisyon ay sertipikasyon mula sa Department of Health (DOH) at IATF na COVID-free na ang isang Local Government Unit (LGU); mahigpit na pagsunod pa rin sa DOH guidelines katulad ng physical distancing, temperature check; papayagan lamang na makapasok sa trabaho ang 50% workforce ng gobyerno, private offices at commercial establishments kapag nakasunod sa rapid test, trial at monitoring; at daily monitoring pa rin ng mga kaso.

Bukod dito, kung consistent naman na makakapagtala ng zero COVID-19 case sa lugar ay papayagan ang 10% na dagdag kada linggo sa workforce sa parehong government at private establishments.

Isasara rin ang mga border at tanging mga essential goods lamang din ang papayagan na makalabas at makapasok sa mga idedeklarang COVID-free zones.

Samantala, iminumungkahi naman ni Sarmiento ang full lockdown sa mga barangay o lugar na may mataas na kaso ng virus kahit matapos na ang ECQ sa katapusan ng Abril.

Facebook Comments