May limang kompanya nang nakapirmahan ang Pilipinas para sa confidentiality data agreement hinggil sa pagsasagawa ng COVID-19 vaccine clinical trial sa bansa.
Kabilang rito ang mga kompanya mula sa mga bansang China, Taiwan, Russia at Australia.
Ayon kay Department of Science and Technology Secretary Fortunato Dela Peña, pag-aaralan munang mabuti ng vaccine expert panel ang resulta ng trials na ginawa sa mga nasabing bansa bago nila ito ie-endorso sa Food and Drug Administration (FDA).
Aniya, ang FDA ang magbibigay ng ‘go signal’ kung itutuloy ang clinical trials ng mga bakuna sa bansa.
Kaugnay nito, sinabi ng kalihim na inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force ang zoning sa mga lugar sa bansa na pagdarausan ng COVID-19 vaccine clinical trial.
“Meron kaming walong zones. Inaral din yan kung aling mga lugar ang pwedeng pagdausan ng ating clinical trials. Depende kasi sa availability ng ating mga clinical trialists,” ang pahayag ni Fortunato sa interview ng RMN Manila.
Kabilang sa mga lugar na tinukoy ng ahensya ay ang Philippine General Hospital, Manila Doctors Hospital at San Lazarro Hospital sa Maynila; St. Luke’s Medical Center at Lung Center of the Philippines sa Quezon City; Pasig Doctors Medical Center; Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa; isang ospital Sa BGC, Taguig; Makati Medical Center; De La Salle University Medical Center sa Cavite; Vicente Sotto Medical Center sa Cebu at Chong Hua Hospital sa Davao.
Samantala, maaaring pormal nang masimulan ang solidarity trial ng World Health Organization (WHO) sa Pilipinas sa Nobyembre.
“Ang nasa timeline ng WHO ay Oktubre ay ia-announce na nila at magsisimula na tayong mag-prepare. Malaman natin sa Oktubre kung ano yung mga vaccines na yan at kung ilan ang kukunin nating volunteers. ‘Yan siguro ay baka Nobyembre na magsimula ang trials. Ang binibigay nilang estimate sa mga vaccine trials ay anywhere between 3 to 6 months,” paliwanag pa ng DOST Secretary.