
Puspusan na ang panawagan ng lokal na pamahalaan sa mga residente ng Eastern Visayas na maghanda at agad lumikas patungo sa mas ligtas na lugar dahil sa Bagyong #TinoPH.
Ayon sa Civil Defense Eastern Visayas, maihahalintulad umano ang tinatahak na track ni Tino sa dinaanan ng Super Typhoon Yolanda mahigit 12 taon na ang nakalipas.
Dahil dito, mariing ipinakiusap sa mga residente na naninirahan sa mga lugar na dati nang tinamaan ng malalakas na bagyo na agad lumikas patungo sa mga itinakdang evacuation center, lalo na sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng storm surge o daluyong.
Kaugnay nito, tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region VIII na nakahanda na ang mga family food pack, non-food relief items, at ready-to-eat food boxes para sa mga residenteng lilikas at maaapektuhan ng bagyo.
Samantala, inihayag ng Police Regional Office 8 (PRO-8) na nakahanda na ang humigit-kumulang 1,800 pulis na itinalagang bahagi ng Reactionary Standby Support Force.
Sila ay ipapakalat sa iba’t ibang lugar sa Eastern Visayas upang tumulong sa mga residente at lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga hakbang para mabawasan ang magiging epekto ng bagyo.









